Biyernes, Disyembre 19, 2008

Katangahan o Malas Lang?

Hindi ko alam kung isa lang ba sa dalawang iyan ang nangyari sa akin kagabi. Maaaring tanga talaga ako sa pagpapanic at pagtakbo nang mabilis, o maaari rin namang minalas lang ako nang grabe.

Ang bilis ng pangyayari. Tumatakbo ako pauwi, pero ng lumagpak ang paa ko sa sahig ay bumalikot ito. Alam kong mali ng bagsak ng paa ko. Nakarinig ako ng malakas na tunog: tunog ng butong nabali, tunog na nakakatakot. Sa sandaling iyon ay nagawa ko pang makapaglakad ng ilang hakbang kahit na masakit na. Nakita ko rin na nagkaroon na ng bukol ang paa ko. Hanggang sa napansin kong lumaki ito at parang tabingi na ang itsura nito. Halos maiyak na ako, habang pinipilit kong humakbang pauwi. Pero 'di ko na rin kinaya. Mabuti na lang ay kasama ko ang kaibigan ko, at nakasalubong namin ang kuya niya. Tinulungan niya akong makauwi sa bahay.

Isang buong gabi kong tiniis ang sakit. At buong gabi ko rin hindi alam kung ano ang nangyari sa akin. Hindi ko malaman kung sa muscle lang ba ito, o may nabaling buto, o di kaya ay nadislocate na.

Kaninang umaga, nagpatingin ako sa ospital. Hindi ko pa rin talaga magawang makapaglakad. Mukha akong katawa-tawa sa paglakad ko gamit ang isang paa lang at gamit ang isang payong na pangtukod (dahil ang kabilang paa ko naman ay hindi ko maisayad sa lupa). Nakapagpa-xray ako, at nakuha rin agad ang resulta.

Nasabi sa akin ng doktor na nabali ang buto ko, ang malala pa ay lumihis pa ng direksyon. Kailangan ko raw maoperahan sa lalong madaling panahon. Mangiyak-ngiyak ako ng makita ko ang x-ray film. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Ang dami ko pang kailangang gawin at ang dami ko pang kailangang puntahan. Paano ko ito magagawa kung hindi ako makapaglakad?

Nararamdaman kong ang tanga ko. Nararamdaman ko rin napakamalas kong tao. Dahil sa oras pa na mapipili akong maaksidente ay kung kailan magpapasko. Ang dami na nga naming gastos tapos, dadagdag pa ito. Bakit ako nagkaganito?

Kaso nangyari na, wala naman na akong magagawa kung hindi sundin ang utos ng doktor. Bahala na, sana gumaling agad ang paa ko.