Linggo, Setyembre 21, 2014

Martes, Mayo 6, 2014

Guinness World Records

Oldest yoga teacher mula sa Amerika, 90 years old. Bagets manamit. Ang talent malupit. Aakalain mong kapapanganak lang niya sa lambot ng mga buto.

Lalaking tatuan at puno ng hikaw, patutunayang malakas ang nasal cavity nito. Binarena ang ilong. Sinuksukan pagkatapos ng malaking hook na lumusot sa may ngalangala niya. Sabay hinila ang kotse ng anim na metro gamit ito.

Isang Tsino, pinutol ang mga steel wire na nakabalot sa itlog gamit ang chainsaw. Sa loob ng 56 segundo, lima ang naputol na wire, walang itlog na nabasag.

Lamig, kakalabanin ng isang balbas-saradong mamà. Tinalo ang dating record-holder. Tumagal ng isang oras at 41 minuto sa loob ng kahong pinuno ng abot-balikat na yelo.

(Commercial break. Lipat muna ng channel.)

“Mahigit singkuwenta patay sa Maguindanao. Pinakamaraming bilang ng mamamahayag na pinaslang sa isang araw, naitala.”

(Balik sa dating channel.)


You’re still watching, Totally Insane Guinness World Records.

Biyernes, Pebrero 28, 2014

Huwag na Lang


Huwag mo akong pagmalasakitan,
kung hindi mo kaya’t
napipilitan ka lang
gawin ang isang bagay
na labag sa ‘yong kalooban.

Kung idinadamay lamang ako
sa pagpaparamdam mo
ng lihim na pagsinta
sa iba,
huwag na lang pala.

Kung tunay ngang nag-aalala,
huwag nang manggambala
sa pagtibok
ng pulsong
pautay-utay
pinapatay.

Huwag mo ring dagdagan
ang dahilan
para maniwala pa
sa mga salitang harayang
baka aking abutin
hanggang ako’y mabitin.

Naiintindihan mo ba?
Sana…

'Pagkat hindi ko kailangan
ng malasakit mo,
dahil alam kong
hindi iyan,
hindi naman talaga

para sa akin.