Sabado, Abril 2, 2016

Tugon sa mga Dulang "Alimuom" at "Walang Maliw"

Isa sa mga isinumite ko bilang kahingian sa klaseng PanPil 190 sa ilalim ni Prop. Raniela Barbaza.


Oktubre 22, 2010


Tunggalian ng mga “Biktima”

            Sundalo at aktibista, nagpapahirap at pinapahirapan, may kapangyarihan at wala, ang mga ito ay ilan lamang sa napakaraming salungatan o oposisyong makikita sa dalawang dula ni Reuel Aguila na Alimuom at Walang Maliw. Sa mga salungatang nabanggit, partikular sa tunggalian sa pagitan ng mga nasa ilalim at hindi nagpapasailalim sa kapangyarihan ng gobyerno umikot ang mga dulang ito. Ang paggamit dito ng dalawang magkaibang perspektibo ay nagsilbing instrumento upang malinaw na maipakita hindi lamang ang pagkakaiba ng paraan ng pag-iisip ng mga tauhang nasa magkabilang panig, kundi pati na ang pagtatahi ng pagkakaibang ito upang mailahad kung papaano sila nagiging biktima ng kanilang pagsasalungatan sa lipunan.    

Ang unang dula (Alimuom) ay monologo ng isang sundalong malawak na ang karanasan sa pagpapahirap, panghahalay at pagpatay sa mga nahuhuli nilang mga aktibista o subersibo. Dito, nabanggit hindi lamang ang tungkol sa mga maruruming gawain ng isang sundalo kundi pati ang mga naiisip nito habang ginagawa ang kanilang trabaho. Naipakita sa dula na sumasagi rin sa isip nito ang katiwaliang kanilang ginagawa. Maliban dito ay nakakaramdam din pala ito ang hiya sa sarili at sa pamilya sa tuwing maaalala ang kanilang trabaho. Ang ikalawang dula naman (Walang Maliw) ay nasa punto de bista ng mga (aktibistang) magulang ng isang desaparecidos. Dito, makikita ang labis na panghihinayang at kalungkutan ng isang magulang na hindi lubusang matanggap ang pagkawala ng anak. Bukod sa hinanakit ng kanilang kalooban, nangingibabaw sa kanila ang galit sa mga taong responsable sa kinahinatnan ng kanilang anak at maging sa kawalan nila ng kakayahan na makamtan ang katarungan.

Sa dalawang dula, lantad din namang naipatunghay kung gaano kalaki ang kaibahan ng pagtingin sa mga tauhan batay sa kanilang kalagayan at mga karanasan. Tinitingnan ang sundalo bilang tagapagtanggal ng mga karapatang pantao bagamat ang tungkulin nito ay ang maipagtanggol ang kapayapaan. Ang mga aktibista naman ay itinuturing na kaaway kahit na sila ang masigasig na nagsusulong ng pagbabago sa mga kabaluktutan sa lipunan. Ngunit sa kabila ng mga pagkakaibang ito, masasabi kong may isang bahagi kung saan sila maaaring nagkakaparehas –iyon nga ay ang pagiging “biktima” nila.

Sa lagay ng mga magulang at ng kanilang aktibistang anak, naging biktima sila ng kapangyarihang mayroon ang gobyerno gaya ng pagkakait ng katarungan. Dahil pinili nilang kalabanin o hindi sumang-ayon sa gobyerno, patuloy nilang nararanasan ang paggamit sa kanila ng pwersa upang sila ay mapatahimik. Sa lagay naman ng sundalo, kahit gumagawa man siya ng maruruming trabaho ay nagiging biktima pa rin siya ng pangongontrol at pagdidikta ng mas nakatatas sa kanya. Nakukulong siya sa isang trabaho kung saan limitado para sa kanyang mamili ng kanyang gagawin. Sa madaling salita, biktima ang sundalo ng panggagamit sa kanya ng gobyerno sa pagpapatupad ng mga balak nito.

Kung tutuusin, ang dula ay hindi naman talaga nagpapakita ng tungkol lamang sa salungatan ng mga tinatawag kong biktima. Higit sa lahat, itinatambad din nito ang pakikipagtunggali ng mga ito sa may hawak ng kapangyarihang naninikil (sa kaso ng mga aktibista) at nagmamanipula (sa kaso ng sundalo) sa kanila.