Isa sa mga isinumite ko bilang kahingian sa klaseng PanPil 190 sa ilalim ni Prop. Raniela Barbaza.
Oktubre 22, 2010
Tunggalian ng mga “Biktima”
Sundalo at aktibista, nagpapahirap at pinapahirapan, may
kapangyarihan at wala, ang mga ito ay ilan lamang sa napakaraming salungatan o
oposisyong makikita sa dalawang dula ni Reuel Aguila na Alimuom at Walang Maliw. Sa
mga salungatang nabanggit, partikular sa tunggalian sa pagitan ng mga nasa
ilalim at hindi nagpapasailalim sa kapangyarihan ng gobyerno umikot ang mga
dulang ito. Ang paggamit dito ng dalawang magkaibang perspektibo ay nagsilbing
instrumento upang malinaw na maipakita hindi lamang ang pagkakaiba ng paraan ng
pag-iisip ng mga tauhang nasa magkabilang panig, kundi pati na ang pagtatahi ng
pagkakaibang ito upang mailahad kung papaano sila nagiging biktima ng kanilang
pagsasalungatan sa lipunan.
Ang unang dula (Alimuom) ay monologo ng isang sundalong malawak
na ang karanasan sa pagpapahirap, panghahalay at pagpatay sa mga nahuhuli
nilang mga aktibista o subersibo. Dito, nabanggit hindi lamang ang tungkol sa mga
maruruming gawain ng isang sundalo kundi pati ang mga naiisip nito habang
ginagawa ang kanilang trabaho. Naipakita sa dula na sumasagi rin sa isip nito
ang katiwaliang kanilang ginagawa. Maliban dito ay nakakaramdam din pala ito ang
hiya sa sarili at sa pamilya sa tuwing maaalala ang kanilang trabaho. Ang
ikalawang dula naman (Walang Maliw)
ay nasa punto de bista ng mga (aktibistang) magulang ng isang desaparecidos. Dito,
makikita ang labis na panghihinayang at kalungkutan ng isang magulang na hindi
lubusang matanggap ang pagkawala ng anak. Bukod sa hinanakit ng kanilang
kalooban, nangingibabaw sa kanila ang galit sa mga taong responsable sa kinahinatnan
ng kanilang anak at maging sa kawalan nila ng kakayahan na makamtan ang katarungan.
Sa dalawang dula, lantad
din namang naipatunghay kung gaano kalaki ang kaibahan ng pagtingin sa mga
tauhan batay sa kanilang kalagayan at mga karanasan. Tinitingnan ang sundalo
bilang tagapagtanggal ng mga karapatang pantao bagamat ang tungkulin nito ay
ang maipagtanggol ang kapayapaan. Ang mga aktibista naman ay itinuturing na
kaaway kahit na sila ang masigasig na nagsusulong ng pagbabago sa mga
kabaluktutan sa lipunan. Ngunit sa kabila ng mga pagkakaibang ito, masasabi
kong may isang bahagi kung saan sila maaaring nagkakaparehas –iyon nga ay ang
pagiging “biktima” nila.
Sa lagay ng mga magulang
at ng kanilang aktibistang anak, naging biktima sila ng kapangyarihang mayroon
ang gobyerno gaya ng pagkakait ng katarungan. Dahil pinili nilang kalabanin o
hindi sumang-ayon sa gobyerno, patuloy nilang nararanasan ang paggamit sa
kanila ng pwersa upang sila ay mapatahimik. Sa lagay naman ng sundalo, kahit gumagawa
man siya ng maruruming trabaho ay nagiging biktima pa rin siya ng pangongontrol
at pagdidikta ng mas nakatatas sa kanya. Nakukulong siya sa isang trabaho kung
saan limitado para sa kanyang mamili ng kanyang gagawin. Sa madaling salita,
biktima ang sundalo ng panggagamit sa kanya ng gobyerno sa pagpapatupad ng mga
balak nito.
Kung tutuusin, ang dula
ay hindi naman talaga nagpapakita ng tungkol lamang sa salungatan ng mga tinatawag
kong biktima. Higit sa lahat, itinatambad din nito ang pakikipagtunggali ng mga
ito sa may hawak ng kapangyarihang naninikil (sa kaso ng mga aktibista) at nagmamanipula
(sa kaso ng sundalo) sa kanila.