Dumarating ako sa punto na mismong sarili ko ay pinagdududahan ko. Wala itong kinalaman sa sekswal na oryentasyon ko o kung ano pa man. Nagtataka lamang ako kung bakit kinukuwestyon ko lagi ang sarili ko sa tuwing may nagiging reaksyon akong palagay ko'y normal lamang naman. Kung tama o mali ako? Kung tama ba o mali na naman ako.
May mga ginagawa akong bagay na bunsod lang ng matinding emosyon. Kasiyahan, kalungkutan, pagkainis, pagkagalit at kung ano-ano pa. Kung masayang-masaya ako, mas madaldal ako at gusto ko lang tumawa. Kung malungkot naman, gusto kong mapag-isa (at magpigil ng iyak kung maraming tao sa paligid). Kung naiinis ako o nagagalit, gusto kong magsalita at iparating na hindi na ako natutuwa. Pagkatapos nito'y gusto ko na lamang manahimik dahil ayaw kong madagdagan pa ang anumang lumabas sa bibig ko na maaaring nakasakit na pala ng iba.
Kadalasan, ang epekto ng mga ginagawa ko batay sa mga emosyong ito ay palpak. Laging may di pagkakaintindihang nangyayari pagkatapos. At ang bagsak ng sisi, lagi't laging nasa akin.
Hindi ko alam kung mababaw lang talaga akong tao. Minsan sa mga maliliit na bagay ay naaapektuhan ako. Karaniwan, sa mga salita ako pinakatinatamaan. Isang salita lamang ay maaaring makapagpabago ng aking nararamdaman. Masaya sa una, ngunit kung may maririnig na isang hindi magandang salita, maaaring bumagsak lahat ng lumulutang na kasiyahan. Ganoon kabilis.
Isang halimbawa ang asaran. Hindi ko maiiwasang masangkot dito. Ayos lang naman ang talaga ang asaran para sa akin dahil parte na ito ng tipikal na ginagawa ng mga magkakaibigan. Hindi naman ako napipikon. Pero ewan ko ba kung bakit nauwi sa pagkainis ko ang minsang asarang nangyari.
Walang kaso sa akin kung asarin ako tungkol sa aking histura o kung ipapares ako kung kani-kanino. Kung asarin ako sa isang matandang-matandang lalake, sa isang taong pinakaayaw ko, una kong reaksyon ay pandidiri (bilang pagpapakitang hindi ko gusto ang ideya). Ngunit hindi nawawala rito ang aking pagtawa sa mga biro dahil alam kong hindi rin naman talaga nila gusto ang maipares ako sa mga taong ayaw ko.
Eh bakit ako biglang nainis?
Ayaw na ayaw ko lang ang pambibiro sa akin lalo na kung naririnig ito ng taong inaasar nila sa akin o sa mga taong malalapit sa kanya. Nasabi ko naman din sa kanila ang tungkol dito. Ang sa akin lang ay hindi ko hawak ang isip ng iba. Hindi ko naman din mababawi ang mga salitang nasabi na ng mga nambibiro sa akin kung sakaling paniwalaan ito ng mga nakakarinig. Palagay ko rin na kung sila ang nasa sitwasyon ko, paniguradong ayaw nilang mangyari ito sa kanila.
Inisyal na rekasyon ko ang mainis. Sinabi ko na nang diretsa ang nararamdaman ko. "Nakakainis kasi." Pagkatapos nito ay lumapit sa akin ang taong nang-asar sa akin at kinausap ako. Inalok ako ng isang boteng tubig. Tinanggap ko naman. Kaya lang, pakiramdam ko kulang pa rin.
Hindi ko kailangan ng tubig. Ang kailangan ko ay sabihin lang naman sa akin ang salitang "sorry". O di kaya naman ay ipaliwanag niya ang sarili niyang ginawa para maintindihan ko. Hindi rin naman ako magdadamot ng "sorry" dahil sa naging reaksyon ko.
Wala na akong narinig pagkatapos.
Wala rin ni isa sa mga kaibigan ko ang lumapit sa akin para tanungin ako kung may mali ba sa akin. Hindi sa naghahanap ng kakampi, pero nakakalungkot lang na walang nag-aalala o nag-iisip sa kalagayan mo. Masakit isiping walang uunawa sa 'yo kundi ang sarili mo. Dahil sa mga panahong sila ang nagkakaroon ng problema, ako ang takbuhan nila. Ngayong ako ang may problema, walang gumagawa ng aking papel bilang tagapakinig. Wala akong mahingahan.
Dahil ako ang naiwang mag-isa, ako nga ba talaga ang mali sa pangyayari? Mukhang ako na naman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento