Ang alaalang naiipon ng tao ay isang patunay na nabuhay nga siya -na nakilahok o di kaya'y natunghayan niya ang isang pangyayari. Sa bawat alaalang nalilikha, nadaragdag, tulad ng isang materyal na kasangkapa'y naiimbak lamang ito sa isang lugar. Saan? Sa isang bodega. Isang bodegang paminsan-minsan o madalas nabibisita, ngunit hindi lahat ng laman nito'y nahahalungkat. Maaaring nasa anyo ito ng isang kahong naglalaman ng mga liham, dingding na puno ng mga larawan, o isang birtwal na eskaparateng laman ang mga natatanging likha ng isang tao.
Marami sa laman ng bodegang ito ay natatabunan na lamang ng mga bago, inaalikabok at hindi na nakukuha pang muli. Karaniwan, ang mga nasa ilalim o kasulok-sulukan na siyang nababalewala natin ay iyon pang pinakamahalaga sa lahat. Hindi natin nakikita ang kahalagahan nito hangga't hindi tayo nauudyok na balikan ito. Kagaya ng hindi inaasahang pagkasunog ng bahay, napipilitan tayong magsalba ng mga gamit na ating mapakikinabangan. Gayundin sa alaala.
Tinawag ko ang blog na itong Bodega ng alaala dahil nilalaman nito ang ilan sa aking mga naisatalang alaalang nailikas ko mula sa bingit ng patuloy na pagkaparam (hindi lamang sa birtwal na mundo kundi sa aking kamalayan). Napakaliit na piraso lamang nito ng kabuuan ng aking alaala noong ako'y nag-aaral pa, ngunit masasabi kong tampok ng mga ito ang mga karanasan kong nakapagbigay sa akin ng aral sa buhay.
Inakala ko noong hindi ko na kakailanganin pa ang mga dati kong isinulat. Ngunit nang muli kong makaharap ang mga ito, saka ko naalala ang aking sarili noong mga nakalipas na taon. Saka ko lamang napagtantong sinasalamin nito ang mga kakayahan ko, ang dati kong mga interes. Saka lamang din nabuhay ang bahagi ng aking sarili na akala ko'y lumalamlam na.
Salamat sa bagong bodega nito, mapangangalagaan ko ang mga gunitang nagsisilbing angklang nag-uugnay sa aking nakalipas at nagpapatibay sa akin upang hindi tuluyang maanod ng mga alon ng hinaharap.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento